58
bato3
By

Bato, higit 50% ang tsansang tatakbo sa pagka-senador

Sharing is caring!

Aminado si Bureau of Corrections (BuCor) Director Ronald ‘Bato’ dela Rosa na naeengganyo siyang kumandidato sa pagka-senador.

Sa panayam sa Senado, sinabi ni Dela Rosa, dating pinuno ng Philippine National Police (PNP), na nahihikayat siya dahil sa mga nagbibigay sa kaniya ng suporta at naniniwala na mayroon siyang maiaambag sa bansa kapag naging senador.

Aniya, katulad ito ng nagkabit sa EDSA ng malaking tarpaulin ng kaniyang litrato na umano ay hindi niya kilala.

Sa ngayon, higit 50 porsiyento aniya ang tsansa ng kaniyang pagkandidato.

Pero idiniin na ipinauubaya niya kay Pangulong Rodrigo Duterte ang pagdedesisyon kung siya ay sasali o hindi sa pulitika.

Kailangan daw niya ng pag-endorso ni Pangulong Duterte dahil wala naman siyang perang magagamit sa kampanya.

Idiniin na hindi niya gagamitin sa pangangampanya ang nakuha niyang P14 milyong retirement benefits mula sa PNP dahil nakalaan ito sa kaniyang pamilya na kontra naman na pumasok siya sa pulitika.

Ayon kay Dela Rosa, kapag pinalad naman siyang maging senador, isusulong niya ang death penalty para sa drug offenders, ang national ID system at ang pag-obliga na postpaid na lahat ng cellphone lines.

Nang tanungin kung bakit may plataporma na siya kahit hindi pa desididong kumandidato, sinabi ni Dela Rosa na natural na may isasagot na siya dahil isang taon na siyang tinatanong ukol dito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?