201

Dec 13, 2017 @ 20:59
By

Bato ‘good choice’ sa BuCor post – senators

Sinuportahan ng mga senador ang pasya ni Pangulong Duterte na italaga si PNP chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa bilang pinuno ng Bureau of Corrections (Bucor).

Ayon kay Sen. Ping Lacson, bagay na bagay si Dela Rosa sa Bucor dahil tiyak na kaya nitong ipatigil ang patuloy na kalakalan ng ilegal na droga sa New Bilibid Prisons (NBP) na nasa ilalim ng pangangasiwa ng Bucor.

Malamang umano, sa presensya at reputasyon pa lang ni Dela Rosa, matakot na ang mga drug lord sa Bilibid at magdalawang-isip na sa kanilang mga ilegal na gawain.

“Pag naroon si Bato, expect nila na teka muna, baka kung itutuloy natin baka madisgrasya tayo. Baka abutin nila ang extreme measure. Anything can happen. Because Bato, ang reputasyon nya has already preceded him. And I know him to be mission-oriented,” pahayag ni Lacson.

“Good choice” din si Dela Rosa sa Bucor para kay Senate majority leader Tito Sotto dahil tiyak daw na mapagtitino nito ang mga nakaklong sa Bilibid.

“Diyan na titino ang Munti,” ayon kay Sotto.

Ayon naman kay Senador Sherwin Gatchalian, matagal nang pinaghaharian ng mga drug lord ang Bilibid at tiwala siyang masasawata ito ni Dela Rosa.

Sinabi naman ni Senador JV EJercito na pagkakataon ni Dela Rosa ang pagiging pinuno ng Bucor para magpakitang-gilas kung may plano itong kumandidato sa pagka-senador.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?