61

Dec 5, 2017 @ 15:43
By

Bato, ‘di sumipot sa oral arguments sa drug war

Umusad na ang ikatlong araw ng oral arguments sa Korte Suprema kaugnay ng ikinasang drug war ng Pambansang Pulisya.

Pero wala sa pagdinig sina Philippine National Police (PNP) Chief Director General Ronald ‘Bato’ dela Rosa, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Aaron Aquino, at PNP-Internal Affairs Service Inspector General Atty. Alfegar Triambulo.

Ayon kay Solicitor General Jose Calida, sina Dela Rosa at Aquino ay nasa New York para dumalo sa anti-terrorism conference, habang si Triambulo naman ay nasa Malacañang at dumadalo sa command conference.

Para sa panig ng PNP, si Director Augusto Marquez, direktor ng Investigation and Detective Management ng PNP, ang magsasalita bilang resource person kung kinakailangan.

Muli namang ginisa si Calida ng mga mahistrado.

Sa pagtatanong ni Associate Justice Antonio Carpio, inilahad nito ang mga naging talumpati ni Pangulong Rodrigo Duterte kung saan sinabi niya na kung walang baril ang isang drug suspect ay bigyan ng baril; at kung hindi lalaban ang drug suspect ay dapat na mang-udyok ang pulis para ito ay lumaban.

Maging ang bahagi ng talumpati ng Pangulo kung saan sinabi niya na papatayin niya ang mga drug lord at sisirain ang mga organized crime ay naungkat.

Tanong ni Carpio, ang mga ganito bang pahayag ng pangulo ay itinuturing na “guidance” o gabay ng PNP sa kanilang kampanya kontra droga.

Pero tumanggi si Calida na magkomento dahil hindi raw niya batid kung ano ang eksaktong mga sinabi ni Pangulong Duterte.

Sinabi pa ni Calida na sa pagsagot sa tanong ni Carpio, mahalagang maunawaan din ang konteksto ni Pangulong Duterte nang bitiwan niya ang nasabing mga pahayag. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?