6

Sep 15, 2020 @ 16:10
By

Bato: CHR kumuha ng abogado na pro-military, pro-government

Hinikayat ni Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa ang Commission on Human Rights (CHR) na kumuha ng mga abogado na pro-government at pro-state security forces.

Sa pagdinig sa Senado ng panukalang pondo ng CHR, nanawagan din ang senador sa CHR na punan na ang 175 na bakanteng mga posisyon sa ahensiya.

Ayon kay Dela Rosa, dating Philippine National Police chief, magiging epektibo ang ahensiya sa pag-imbestiga sa mga paglabag ng ilang miyembro ng security sector kung pro-police o pro-military ng mga imbestigador.

“Nakikita ko parang kulang sa attraction ‘yung ginagawa niyong recruitment. Sana huwag niyong i-limit ‘yung recuitment ninyo,” pahayag bi Dela Rosa.

“Baka may unwritten qualifications kayo diyan na dapat ‘yung papasok sa CHR ay hindi pro-government, hindi pro-military, hindi pro-police,” dagdag pa nito.

Inihalimbawa nito si dating CHR commissioner Atty. Dominador Calamba II, na isa ring reserve officer sa military. Si Calamba ay nagsilbing CHR Davao Region director bago naging commissioner.

“He [Atty Calamba] was a human rights lawyer at the same time he was a reservist in the military. Reserve officer po siya kaya he can play both sides and he was very effective,” sabi ni Dela Rosa.

“Naiimbestigahan niya ko noon. He can just get inside the camp and conduct investigations dahil siya ay reservist. Kaya very effective po siya sa kanyang mandate as a human rights investigator,” saad pa nito.

Nagpasalamat naman si CHR commissioner Chito Gascon sa suhestiyon ni Dela Rosa subalit iginiit nitong ang political affiliation ay hindi kinukonsidera sa recruitment at promotion process sa CHR.

“We just focus on the qualification standards,” sabi ni Gascon.

Samantala, iginiit naman ni CHR executive director Atty. Jacqueline Ann De Guia na karamihan sa mga hindi napupunuang posisyon sa CHR ay mga abogado at imbestigador.

Aniya, mahirap umanong makapag-recruit ng mga abogado dahil sa mababang suweldo at allowance.

“For lawyers, it’s very difficult to attract lawyers in the regions given the fact that we have low salary grade positions and very minimal, if nothing, in terms of allowances,” sabi ni De Guia.

Sabi ni Gascon, sa kasalukuyan, ang entry level position para sa mga abogado ay itinaas na sa Salary Grade 23 o mahigit P75,000. Subalit mas gusto umano ng ibang mga aplikante na magtrabaho sa ibang ahensiya dahil sa mas mataas na allowance.

Nangako naman si Gascon na pupunuan nila ang iba pang mga bakanteng posisyon sa CHR sa susunod na tatlo hanggang apat na buwan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?