131

Dec 8, 2021 @ 15:16
By

Bato bet suportahan ibang presidentiable

Dahil wala namang kandidato ang kanyang partido, ang PDP-Laban, para sa pagka-pangulo, plano ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa na suportahan ang ibang presidential contender sa susunod na national election.

Sa panayam sa Politiko TV, sinabi ni Dela Rosa na kinokonsidera niyang suportahan ang ibang kandidato sa pagka-pangulo kapag pormal na umatras si Senador Christopher “Bong” Go sa kanyang presidential bid at ideklara ni Pangulong Rodrigo na malaya na silang pumili ng kandidatong susuportahan.

“Kung silent si Presidente Duterte, wala siyang sabihin, ibig sabihin, open time tayo, free for all. Baka sabihin niya free for all, sige bahala na kayo sa pumili ninyo ang gusto nyo, mayroon na ako napupusuan na talagang susuportahan kung ganun ang magiging scenario,” pahayag ni Dela Rosa.

Subalit hindi muna binanggit ni Dela Rosa kung sinong presidential candidate ang gusto niyang tulungan hangga’t hindi pa umano nakakapag-desisyon si Duterte at si Go.

“Hindi ko muna pwedeng sabihin kung sino talaga dahil lahat naman sila close sa akin. Very close kami ni Senator Ping, close kami ni Senator Pacquiao. Kumpare ko ‘yan. Kaibigan ko rin si former senator Bongbong Marcos,” sambit ng senador.

Wala pang inendorso ang PDP-Laban na sinumang presidential candidate para sa susunod na halalan. Dapat sana’y tatakbo si Dela Rosa pagkapangulo subalit umurong bandang huli para bigyang daan ang kandidatura ni Go.

Subalit umatras naman si Go, dating aide ni Duterte, dahil wala aniya sa kanyang plano ang pagtakbo sa pagka-pangulo sa 2022. Wala pang inihayag si Duterte na iendorso na presidential candidate sapul nang umatras si Go.

Hindi pa nagpupunta si Go sa tanggapan ng Commission on Elections (Comelec) para pormal na iurong ang kanyang presidential bid.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?