994

By

Bato-bato sa langit, tamaan ‘wag magalit: Poe pinalagan ang batikos ni Albayalde sa ‘Ang Probinsyano’

Sharing is caring!

Binutata ni Senadora Grace Poe ang pagbatikos ni Philippine National Police chief Director General Oscar Albayalde sa ‘Ang Probinsyano’, ang may tatlong taon nang teleserye sa ABS-CBN kung saan pulis ang bida at kontrabida.

Ayon sa senadora, hindi naman hinuhusgahan ng publiko ang mga pulis nang dahil sa teleserye kundi sa kung ano ang ginagawa ng mga ito sa tunay na buhay.

“Ang pananaw ng ating mga kababayan sa kapulisan ay nakasalalay sa tunay na gawain ng mga pulis at hindi sa teleserye,” din ni Poe.

Ang palabas na ‘Ang Probinsyano’ na ginaganapan ni Koko Martin bilang probinsyanong pulis na si Ricardo ‘Cardo’ Dalisay ay hango sa pelikula ni Fernando Poe Jr., ama ng senadora.

Nagreklamo si Albayalde dahil sa kasalukuyang takbo ng istorya nito kung saan gustong patayin ng hepe ng Philippine National Police (PNP) ang presidente ng bansa.

Pinapapangit umano rito ang imahen at reputasyon ng mga pulis at pinalilitaw na mismong pinakang-pinuno ng PNP ay kriminal.

Sinabi ni Poe na hindi lang naman pulis ang kontrabida sa istorya.

“Ito ay malikhaing katha ng mga nasa likod ng produksyon nito. May mga kontrabida sa kuwento: hindi lamang pulis kundi iba pa. Pwede nating sabihin na ‘bato-bato sa langit, tamaan ay ‘wag magalit’,” diin ni Poe.

Iginiit na tingnan ang kabuuan ng istorya kung saan lagi umanong tinatalo ng mabuti ang masasama bukod sa nagpapaalala umano ito ng kahalagahan ng pamilya, respeto sa nakatatanda, sa kagitingan at pagmamahal sa bayan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?