bilibid
By

Bato, babawiin sa drug lords ang pagkontrol sa Bilibid

Sharing is caring!

Ako ang siga dito hindi kayo!
Ito ang pakilala ni dating Philippine National Police Chief Ronald ‘Bato’ dela Rosa sa mga preso sa New Bilibid Prisons sa unang araw niya bilang pinuno ng Bureau of Corrections (BuCor).

Unang binalaan ni Dela Rosa ang mga empleado ng BuCor sa kanyang mensahe sa regular Monday flag-raising ceremony sa Bilibid.

Babala nito, umalis na lang sa serbisyo ang mga BuCor personnel na hindi magagawang linisin ang Bilibid.

Giit nito, wasak na wasak na ang BuCor dahil sa drug transactions na patuloy na nangyayari sa loob ng pambansang piitan.

“Ayaw na ayaw ko ng BuCor personnel na duwag. Nagsuot pa kayo ng uniporme kung takot kayong lumaban sa mga gagong nakakulong. Umalis kayo kung ganoon ugali n’yo,” ang matigas na bilin ni Dela Rosa.

Ibinahagi rin nito na ang kanyang prayoridad ay mabawi sa mga nakakulong na drug lords ang kontrol sa Bilibid.

Kasunod nito ay pinuntahan ni Dela Rosa ang Building 14 sa Maximum Security Compound, kung saan hinarap niya ang may 60 preso, kabilang na ang high-value prisoners, at dito na niya binitiwan ang kanyang matigas na paalala.

Tatlong linggo lang na namahinga si Dela Rosa matapos magretiro bilang hepe ng pambansang pulisya noong nakaraang buwan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?