231

Dec 12, 2018 @ 18:32
By

Batingaw ng Balangiga bells, maririnig muli sa Disyembre 15

Matapos ang higit isang siglo, muling maririnig ang unang batingaw o tunog ng Balangiga bells sa pagbabalik nito sa Eastern Samar sa December 15, bisperas ng ‘Simbang Gabi’.

Ayon kay Monsignor Pedro Quitorio, media director ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) at namununo ng Balangiga Committee ng Borongan, isang misa ang idaraos alas-4 ng hapon sa St. Lawrence Parish o kilala bilang Balangiga Church sa nabanggit na petsa.

Layunin ng misa na ipagpasalamat ang pagbabalik ng Balangiga Bells.

Ang Balangiga Bells ay tatlong kampana na kinuha ng mga Amerikano bilang war trophies nang kanilang paghigantihan ang mga mamamayan ng Balangiga matapos na tambangan ng mga Pilipino ang mga Amerikanong sundalo noong September 1901.

Ang turnover ceremony sa Simbahang Katoliko ng mga kampana ay inaasahang dadaluhan nina Pangulong Rodrigo Duterte, Defense Secretary Delfin Lorenza at Borongan Bishop Crispin Varquez, at CBCP President Davao Archbishop Romulo Valles.

Tampok umano sa seremonya ang pag-alala sa nangyari noong September 1901, pagbatingaw ng kampana at ilang minutong katahimikan bilang pag-alala sa mga namatay sa paghihiganting ikinasa ng mga sundalong Amerikano.

Noong December 10, dumating sa Villamor Airbase sa Pasay City ang tatlong kampana sakay ng US Air Force C-130 na bumiyahe mula sa US military base sa Okinawa, Japan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?