23

Jul 22, 2021 @ 16:32
By

Batasan handa na sa huling SONA ni Duterte

Halos kumpleto na ang paghahanda para sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Lunes, ayon kay House Secretary General Mark Mendoza sa panayam ng ‘Balitaan at Kumustahan’ sa Abante Radyo Tabloidista.

Lahad ni Mendoza, lahat ng dadalo sa SONA ay dapat na kumpleto sa bakuna, may negatibong resulta ng RT-PCR Test, at sa mismong araw ng SONA ay may karagdagan pang antigen test upang mapanatili ang kaligtasan ng magtutungo sa Batasang Pambansa.

300 hanggang 350 katao ang bilang ng maaaring makapasok ng Batasan, kaya naman minarapat na huwag payagan ang media sa venue para makontrol ang dami ng tao.

Gayunpaman, may press conference via Zoom na magaganap pagkatapos ng talumpati ng Pangulo upang bigyang daan ang mga katanungan ng mga reporter.

Sambit pa ng House official, simple lamang ang magiging tema ng SONA ngayong taon dahil ultimo kabiyak ng mga kongresista ay hindi muna papayagang makadalo bilang pagsunod sa health protocol.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?