30

Oct 8, 2021 @ 13:50
By

Batas sa emergency text alert pinapa-amyendahan matapos ang hijacking

Naghain ng resolusyon ang mga miyembro ng Makabayan bloc upang paimbestigahan ang paggamit umano ng emergency text alerts system sa partisan election campaign.

Sa House Resolution 2280, iginiit ng mga mambabatas ang pangangailangan na palakasin ang Free Mobile Disaster Alerts Act (RA 10639) at lagyan ito ng parusa para sa mga maling paggamit.

Sa ilalim ng RA 10639, ang mga telecommunication service provider ay magpapadala ng libreng mobile text alerts na may kaugnayan sa natural o man-made disaster at kalamidad.

“Whereas, on October 6, 2021, the emergency text alert system was apparently hijacked and was used for political campaign, specifically for the presidential campaign of Ferdinand Marcos Jr., the son of the ousted former dictator Marcos,” sabi sa resolusyon.

Pumasok ang mga emergency alerts na naglalaman ng mensahe na may kaugnay kay Marcos nang maghain ito ng certificate of candidacy sa Commission on Elections (Comelec).

“Whereas, the camp of former Sen. Marcos Jr., should be made to explain why it is using and misrepresenting the emergency alert system for blasting partisan political campaign materials. This scheme, clearly also aimed at deceiving the public, is highly condemnable and should be denounced,” sabi pa sa resolusyon.

Ang pangyayari umanong ito ay naglalagay ng pangamba sa integridad ng alert system na ginawa para makapagpakalat ng impormasyon na maaaring makapagligtas ng buhay.

Ang Makabayan bloc ay binubuo nina Bayan Muna Representatives Carlos Isagani Zarate, Ferdinand Gaite at Eufemia Cullamat, Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas, ACT Teachers Rep. France Castro at Kabataan Rep. Sarah Jane Elago.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?