77

Jun 9, 2021 @ 19:34
By

Batas na pahirap sa mga paaralan, agad aamyendahan

Gagawa ang Kamara de Representantes ng panukalang batas upang maamyendahan ang batas na ginamit ng Bureau of Internal Revenue (BIR) para itaas ang ipinapataw nitong buwis sa mga paaralan.

Ayon kay House Committee on Ways and Means chairperson at Albay Rep. Joey Salceda, magsasagawa ng pagdinig ang kanyang komite kahit walang sesyon upang agad na mabuo ang panukala at maisumite ito sa Senado sa pagbubukas ng sesyon sa Hulyo.

“The House is united in making sure this issue is resolved soon. We are especially keen on doing this given the limited government assistance extended to private schools,” sabi ni Salceda.

Titiyakin umano ng komite na mayroong sapat na panuntunan upang hindi maabuso ang gagawin nitong panukala.

“The principle is that because education is constitutionally recognized as a value of the State, we cannot unduly burden schools with taxes,” dagdag pa ng solon.

Ngayong Miyerkoles ay nakipagpulong si Salceda sa mga opisyal ng BIR at Department of Finance (DOF) kaugnay ng buwis na ipapataw sa mga eskwelahan.

Pumayag umano ang BIR na gumawa ng bagong batas para maamyendahan ang kasalukuyang batas at makapasok ang mga eskuwelahan sa mga kompanya na maaaring patawan lamang ng isang porsyentong buwis hanggang sa 2023.

Ang pagpupulong ay isinagawa matapos hilingin ng Coordinating Council of Private Educational Associations of the Philippines (COCOPEA) ang tulong ni Salceda kaugnay ng pagtataas sa buwis sa mga paaralan sa 25% mula sa 10%.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?