108

Dec 14, 2017 @ 16:42

Batang players, nais ni MVP sa Gilas Pilipinas roster

Sa pagwawagi ng Pilipinas na maging host ng 2023 FIBA World Cup kahanay ang Indonesia at Japan, iginiit ni Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) Chairman Manny V. Pangilinan sa Gilas Pilipinas coaching staff na umpisahan na ang pagbuo ng koponan na maaaring makaharap ang bigating USA Team.

Ito ang ikalawang pagkakataon na magsisilbing punong abala sa torneong nabanggit ang Pinas, na huli ay noong 1978. Nabigo noong 2015 ang Pinas sa pagho-host at pinaboran ang China.

Bagama’t malayo pa ang pagsasagawa ng torneo dito, umaasa si Pangilinan na makakabuo na ang Gilas coaching staff na pinangungunahan ni Chot Reyes, ng de-kalibreng team na makakasabay sa world’s best teams.

Binanggit nito ang mga pangalan nina Kiefer Ravena, Roger Pogoy, Thirdy Ravena at Ricci Rivero na posibleng maging parte ng 2023 squad ng Pinas.

Sinabi nito na pawang nasa edad 26 hanggang 32 ang mga basketbolistang nais niya na bubuo sa Team PH, ayon sa Spin.ph.

Samantala, kalahati ng 32 qualifying matches ng 2023 FIBA ay lalaruin sa Maynila habang ang kalahati naman ay gagawin sa Jakarta, Indonesia at Okinawa, Japan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?