71

Sep 12, 2019 @ 11:58
By

Batang Pier nagpasiklab kay Bolick sa tuneup

Pinakitaan ng NorthPort ang teammate nilang si Robert Bolick, Jr. na kararating lang mula sa bigong pangangampanya sa 18th FIBA World Cup 2019 sa China.

Nag-rally mula 22 puntos na pagkakaiwan ang Batang Pier para ibaon ang Alaska 82-77 Miyerkoles ng hapon sa kanilang tune-up game.

Nasa Gatorade Hoops din sa Mandaluyong si Bolick, pero naka-civilian clothes lang.

Nasa sidelines siya habang naglalaro ang koponan at Aces.

Nagsumite ng 18 points si import Mychal Ammons sa NorthPort. Pakitang-gilas din ang bagong hugot mula Columbian na si Russel Escoto na may 14 points.

‘Di naglaro sa Batang Pier sina Sean Anthony at Paolo Taha na nagpapahinga dahil sa mga injury.

Pinangunahan ng 21 points ni Vic Manuel ang Aces, may 20 si reinforcement Justine Watts.

‘Di muna naglaro si Bolick, pinagbigyan ni coach Pido Jarencio ng oras na magpahinga mula sa kampanya sa World Cup.

Walang naipanalo ang Gilas Pilipinas sa limang laro sa Foshan at Beijing, pero isa si Bolick, kasama si CJ Perez ng Dyip, sa naging rebelasyon sa unang sabak sa national team.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?