237
kidnapping
Jan 4, 2019 @ 18:27
By

Batang babae nailigtas sa ginang na kidnapper

Kasong ‘kidnapping’ ang isasampa laban sa 39-anyos na ginang na sinasabing dumukot sa limang taong batang babae sa Cubao, Quezon City nitong nakaraang Enero 1, 2019.

Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) Director, PCSupt Joselito T Esquivel Jr., kasong kidnapping at paglabag sa RA 7610 (Protection Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination) ang ihahain nila sa suspek na nakilalang si Amalia Bonete, 39, ng No. 980-A Bo. Concepcion, Ilang Ilang St., Tala, Caloocan City.

Sa ulat, dakong alas-10:10 ng gabi noong January 1, 2019, ini-report ni Herminia Manalo-Tendaoco, 29, ng Sariaya, Quezon sa Cubao Police Station (PS 7) na bigla na lamang nawala ang kanyang 5-anyos na anak na babae dakong ala-1:00 ng hapon sa harap ng Framil Bldg., No. 676 EDSA (North Bound) sa kanto ng Aurora Blvd., Brgy. E. Rodriguez, Cubao.

Agad na kumuha ng CCTV footage ang pulisya sa nasabing lugar at doon ay nakita ang ginang na akay-akay nito ang bata habang naglalakad sa sidewalk.

Matapos naman na mapabalita sa telebisyon, nakatanggap ng impormasyon bandang alas-6:30 ng hapon (January 3), si SPO1 Wency Dela Cruz ng Caloocan City Police Station at ipinagbigay alam kung saan matatagpuan ang nawawalang batang babae.

Agad namang nagresponde ang Caloocan police at nabawi ang bata saka itinurn-over sa Cubao Police Station.

Mariin namang pinabulaanan ng ginang na kinidnap nito ang bata at sinabing kaya niya dinala sa kanilang bahay ang bata dahil anak umano ito ng kanyang kaibigan na nakatira sa Quiapo, Manila.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?