61
lebron-james
Feb 7, 2018 @ 18:23
By

Bataan ni Lebron isa-isang nalalagas

Inaalat ang Team LeBron sa NBA All-Stars.

Isa-isang nalalagas sa injury ang mga hinugot sa draft ni LeBron James para sa kanyang koponan, nauubos na ang mga isasagupa niya sa team ni Steph Curry sa midseason extravaganza sa Feb. 18 (Feb. 19 sa Manila) sa Los Angeles.

Unang bumagsak si DeMarcus Cousins (torn Achilles, out sa season), sunod si Kevin Love (broken hand, out 6-8 weeks), tapos si John Wall (knee issues, out 6-8 weeks).

Pinakahuling biktima ng injury bug si Kristaps Porzingis ng New York na inabot ng torn ACL sa 103-89 loss ng Knicks sa dumayong Milwaukee Martes ng gabi.

May 8:46 pa sa second quarter, nag-roll sa paint si Porzingis, kinuha ang pasa at dumakdak habang habul-habol ng big man din ng Bucks na si Giannis Antetokounmpo.

Walang contact, tagumpay din ang dunk ni Porzingis. Pero napasama ang landing na parang napunta lahat ng bigat sa kaliwang paa.

Bagsak sa floor ang 7-foot-3 Latvian, sapu-sapo ang tuhod. Inalalayan siya ng mga kakampi palabas ng court at hindi na nakabalik.

Sa taas ni Porzingis at sa haba ng galamay, hindi na kailangang tumalon ng napakataas para dumakdak. Dalawang dangkal na lundag, nasa bunganga na ng basket ang bola at isusubo na lang.

Napasama lang ng tukod pagbagsak.

Tuloy, pinagpiyestahan ni Antetokounmpo ang Knicks sa pambabarako ng 23 points, kabilang dito ang mula sa fast break nang talunan ng buong-buo si Tim Hardaway Jr. para dumakdak.

Humahagibis si Antetokounmpo mula kabila, sinalo sa ere ang lob pass at tinalunan si 6-foot-6 Hardaway para isalaksak ang bola.

Posterized!

Nagdagdag si Eric Bledsoe ng 23 points, may 20 pa si Khris Middleton sa Bucks.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?