114

Jan 6, 2020 @ 17:49
By

Bata naligo sa Ilog Pasig, nalunod

Patay ang isang 9-anyos na batang lalaki matapos itong malunod sa ilog nang magkayayaang maligo kasama ang kanyang mga kaibigan, Linggo ng hapon, sa Pasig River sakop ng Mandaluyong City.

Natagpuan ng nakalutang at walang buhay dakong alas-4:30 ng hapon, Enero 5, ang biktimang nakilalang si Yhael Dionisio, Grade 4 student.

Sa ulat ng Mandaluyong City Police Station na ipinadala sa astern Police District (EPD), huling nakita ang biktima ng kanyang tatay na nakilalang si Noel, Sabado ng umaga sa kanilang bahay.

Makalipas ang isang oras ay tatlong bata ang nagpunta sa bahay ng Pamilya Dionisio, pinakita sa tatay ng biktima ang hinubad na damit at shorts nito, at nalunod umano matapos maligo sa Bambang Creek sa Pasig River.

Agad namang nagtungo ang tatay ng biktima, kasama ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG), sa lugar upang magsagawa ng search and rescue operation sa biktima, subalit bigo ang mga itong matagpuan ang katawan ng bata.

Linggo ng hapon nang matagpuan ang nakalutang na bangkay ni Yhael sa ilalim ng tulay ng Makati-Guadalupe Bridge na kinumpirma naman ng tatay ng bata na iyon ang kanyang anak.

Pumirma naman ng waiver ang tatay ng batang biktima na hindi na nito isasailalim sa Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang bangkay dahil kumbinsido ito na walang foul play na naganap sa pagkamatay ng kanyang anak.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?
Tags: ,