52

Jun 23, 2022 @ 20:00
By

Bata iniwanan sa loob ng tsikot, natsugi sa sobrang init

‘Di inaasahan ng mag-asawa mula Ramhormoz, Iran na pagbalik nila sa kanilang kotse ay bubungad ang walang buhay na katawan ng kanilang apat na taong gulang na anak.

Ayon sa ulat, itinago na lamang ang nasawing bata sa pangalang Sadia.

Iniwanan lang umano saglit si Sadia ng kanyang mga magulang sa loob ng kanilang kotse. Nagtungo lang umano sa isang burol ang kanyang mga magulang.

Ngunit sa ‘di inaasahang pangyayari, bigla na lamang sumirit ang temperatura na umabot pa sa 49C. Sa loob ng kotse, pumalo pa sa 79C ang init. Kaya naman, ‘di kinaya ni Sadia ang init.

Nang bumalik ang mga magulang, wala nang malay ang bata. Dinala pa sa pagamutan si Sadia ngunit idineklara rin itong patay dahil sa heat stroke at suffocation.

Wasak naman ang mag-asawa dahil sa pangyayari. (MJD)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?