29

Feb 23, 2021 @ 16:51
By

Bata-bata system maiiwasan sa paglipat ng IAS sa kontrol ng Napolcom

Maiiwasan umano ang bata-bata system sa Philippine National Police (PNP) at maiiwasan na maabsuwelto ang mga pulis na mayroong pagkakasala kung ililipat ang Internal Affairs Service sa ilalim ng National Police Commission (Napolcom).

Ayon kay Masbate Rep. Narciso Bravo Jr., mas magiging malakas ang Napolcom kung ito ang nangangasiwa sa IAS.

“Puwedeng maiwasan na ‘yung mga bata-bata system sa PNP, alam naman nating nandiyan… so kung mayroong mga kasalanang nagagawa ‘yung mga abusadong pulis, minsan naaabsuwelto dahil ‘yung mga boss nila eh nasa mga very influential positions na ‘yun ang nagde-decide kung iko-convict o i-a-absuwelto ang isang abusadong pulis,” ani Bravo.

Naniniwala rin si Bravo na mas magiging epektibo ang disciplinary mechanism sa mga pulis.

“Dito ngayon (sa panukala) dahil hiniwalay na natin yung IAS nandun na siya sa Napolcom I guess hindi na yung direktang in control yung mga opisyal sa kanilang mga subordinates,” dagdag pa ni Bravo.

Sa pagdinig ngayong araw (Martes), nagpahayag ng pagsuporta at nagpasalamat sa mga kongresista si IAS Inspector General Atty. Alfegar Triambulo sa pag-uspd ng panukala.

“Indeed, the reform and reorganization of the Internal Affairs Service into a full-fledged, fully-functioning and independent agency is long overdue. With this bill the IAS will realize this status,” ani Triambulo.

Sinabi ni Triambulo na sa kasalukuyan ay mayroon lamang 18 abugado sa ilalim ng IAS.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?