172

Oct 27, 2017 @ 13:17

Bata, agaw-buhay sa shotgun ng sekyu

Agaw-buhay ngayon ang isang walong taong gulang na batang babae matapos aksidenteng mabaril ng isang security guard ng pabahay ng National Housing Authority (NHA) sa lungsod ng Caloocan kamakalawa ng gabi.

Sa ulat ng Caloocan City Police-North Extension Office, ganap umanong alas-siyete ng gabi nang maganap ang insidente sa Pabahay Building ng NHA na matatagpuan sa ng nasabing lungsod.

Nagpapatrolya umano noon ang sekyu na si Florentino Singayan sa buong gusali at kasalukuyang nasa ikalawang palapag bitbit ang kanyang shotgun na sa buong pag-aakala umano niya ay walang bala.

Ikinasa umano niya ang shotgun at nagulat na lamang siya nang bigla na lamang itong pumutok at tumama sa naglalaro noon na biktimang si Mecaila Magalyon, kasama ang kanyang mga kaibigan sa tapat ng gusali.

Tinamaan sa bunbunan na tumagos hanggang sa kaliwang tenga ang biktima na bagama’t nawalan ng malay ay may pulso pa kaya’t agad itong isinugod sa pinakamalapit na ospital at ngayon ay nasa kritikal na kalagayan.

Kusa namang nagtungo sa himpilan ng pulisya si Singayan na nasa kustodiya na ng North Caloocan police detention cell at nakatakda na ring sampahan ng kaukulang kaso. (Cherk Balagtas)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?