28

By

Basurerong may bitbit na granada, kalaboso

Sharing is caring!

Inaresto ng mga pulis ang isang 35-anyos na basurero matapos umanong magwala at nahulihan pa ng granada sa Pacheco St., Road 10, Tondo, Maynila.

Kinilala ni Police Supt. Jay Dimaandal, hepe ng Raxabago-Tondo Police Station, ang suspek na si Jun Sison, may kinakasama, miyembro ng Batang City Jail at nakatira sa lugar.

Ayon kay Dimaandal, nakatanggap ng sumbong ang Don Bosco PCP hinggil sa isang lalaki na nagwawala sa lugar kaya’t pinuntahan ito ng mga alagad ng batas.

Dito na naabutan si Sison na nagwawala at naghahamon umano ng away dahilan upang arestuhin ito ng mga pulis.

At nang kapkapan si Sison, nakuha mula rito ang isang fragmentation hand grenade na nakasilid sa isang sling bag.

Nakakulong na ang suspek sa MPD-Station 1 at nakatakdang sampahan ng mga kasong breach of peace at illegal possession of explosives. (Ricklove Villanueva)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?