176

Dec 22, 2017 @ 18:41
By

Basurero walang ‘break’ sa Pasko

Habang nagsasaya ang karamihan at sama-samang nagdiriwang ang bawat pamilya ng Kapaskuhan, ang mga basurero naman ay pansamantalang mahihiwalay sa kanilang mga mahal sa buhay upang gampanan ang kanilang trabaho, ito ay ang maghakot ng mga basura kahit na Araw ng Pasko.

Ayon kay Frederika C. Rentoy, head ng Quezon City Environmental Protection and Waste Management Department (QC EPWMD), magtatrabaho pa rin at walang ‘break’ ang mga basurero, maging ang mga ‘street sweepers’ mula Disyembre 25, 2017 hanggang Enero 2, 2018.

“The measure is meant to maintain the cleanliness in all areas and to promptly collect all refuse that may be generated during the Yuletide season,” giit ni Rentoy.

Sinabi naman ng basurero na nakilalang si ‘Jack’, wala naman problema sa kanya kung wala silang ‘break’ sa Araw ng Pasko at hindi makakasama ang pamilya para sa pamamasyal, dahil masaya rin naman ang mapagsilbihan ang bawat pamilya, kahit sa pamamagitan lamang ng pagkuha ng kanilang mga basura.

“Kapag ganitong panahon kasi mas maraming basura ang mahahakot, at siyempre karamihan diyan ay mga pagkain na masisira kaya hindi dapat iimbak dahil babaho ito sa kanilang mga tahanan at kailangang maitapon agad,” pahayag ni Jack.

Aniya, hindi man sila nanghihingi ay marami naman umanong pamilya ang nagbibigay sa kanya at kapwa niya basurero ng mga pagkain, at kung minsan ay binibigyan pa sila ng perang pamasko, kahit hindi naman sila nanghihingi.

Giit niya, marami namang araw upang makapiling niya at maipasyal ang kanyang pamilya kahit hindi Araw ng Pasko.

Kaugnay nito, nanawagan si Rentoy sa mga residente sa Quezon City na ihiwalay ang mga basurang nabubulok at hindi nabubulok at para sa ‘garbage collection’ ay maaaring tumawag sa QC EPWMD Garbage Collection Section sa telepono bilang 988-4242 local 8350. (Dolly B. Cabreza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?
Tags: