62

By

Basura ng Canada, ayaw ipahakot ni Trudeau

Sharing is caring!

Hindi natupad ni Canadian Prime Minister Justice Trudeau ang pangako dalawang taon na ang nakakaraan na reresolbahin ang isyu ukol sa tone-toneladang basura buhat sa Canada na dinala rito sa bansa noon pang 2013.

Ikinatuwiran ni Trudeau na maraming balakid kaya hindi nila maipabalik sa Canada ang basura.

Noong 2015, dumalo si Trudeau sa Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit na ginanap sa bansa at nangako kay dating Pangulong Benigno Aquino na aaksyon sa basura.

Sa pulong balitaan matapos dumalo sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) – Canada summit, sinabi ni Trudeau na pwede na sanang ipahakot ang basura dahil natanggal na ang dati nilang regulasyon na nagbabawal na tanggapin nila ang ibabalik na basura.

Pero hindi pa ito magawa dahil pribadong kumpanya ang nagpadala ng basura sa Pilipinas.

“There’s still a number of questions around who would pay for it, where the financial responsibility is. This was, at its origin a commercial transaction. It did not involve government,” paliwanag ni Trudeau.

Tiniyak naming patuloy na makikipag usap ang Canada sa pamahalaang Pilipinas para resolbahin ang isyu.

Sinabi rin daw ni Trudeau kay Pangulong Duterte na patuloy na kikilos ang kanyang mga opisyal ukol dito.

Noong 2013, ibinagsak sa Subic at sa Port of Manila ang mahigit 100 container vans ng basura na nakadeklarang recyclable plastics pero natuklasan na naglalaman ng human wastes at used adult diapers. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?