14

Dec 18, 2020 @ 15:25
By

Basura, business permit nagtulak kay Win sa politika

Sabi ni Senador Sherwin Gatchalian, hindi pamilya o kaibigan ang dahilan kung bakit pinasok niya ang larangan ng politika.

Tinanong kasi siya ni Jon Ibañez sa “Balitaan at Kumustahan” ng Politiko Live kung bakit sinubukan niya pang maging opisyal ng gobyerno gayong maganda naman na ang kanyang track record sa pribadong sektor.

Sagot niya, kinailangan niyang umaksiyon sa mabagal aniyang pagkuha ng business permit sa pamahalaan, at mabagal na pangongolekta ng basura sa lungsod.

“Una na tayong pumasok sa finance at operations dahil ‘yun ang aking ambisyon sa buhay: ang magtrabaho sa aking family business. At yung family business natin ay nasa operations… Pero Jon, marami rin akong mga hinanakit at frustration,” ani Gatchalian, Disyembre 16.

“Natatandaan ko, nung nagtatrabaho ako sa Valenzuela, sa aming family business, isa sa aking hinanakit ay ‘yung napakabagal na pag-usad sa aming lokal na pamahalaan kapag kumukuha po ng application. For example, ‘pag nagre-review ka ng business permit, umaabot ng buwan bago mo makuha at dadaan ka pa sa mga fixers.”

“Isa pa, ‘yung pagkolekta ng basura sa amin, believe it or not, isang beses sa isang buwan lang. Kaya talagang katakot-takot at gabundok na basura bago pa makolekta. Kaya marami kaming frustration, hindi lang ako, kundi buong kababayan namin sa Valenzuela. At sabi namin, kaysa mag-complain tayo at magreklamo, tumakbo na lang tayo at i-share natin ‘yung ating kakayanan,” saad niya pa.

Punto ng politiko, operations naman ang degree na kanyang kinuha sa kolehiyo na “akma para sa pagpapatakbo ng city hall.”

Si Gatchalian ay nagsilbi nang first district representative at alkalde ng Valenzuela bago maging senador.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?