72

By

Base pay ng mga sundalo, pulis lusot na sa komite sa Senado

Sharing is caring!

Aprub na committee level ng Senado ang panukalang batas na halos dodoble sa base pay ng mga sundalo, pulis at iba pang uniformed personnel sa gobyerno.

Ito ay matapos ang una at naging huling pagsalang ng panukala sa joint hearing ng Committee on national defense, committee on public order at committee on finance.

Partikular na inaprubahan para maipatupad na sa Enero 2018 ang panukalang Joint Resolution No. 9 na inakda ni Senate President Koko Pimentel kung saan pinabibigyang umento ang mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), Bureau of Jail Management and Penology, Philippine Coast Guard at National Mapping and Resource Information Authority (NAMRIA).

“Tapos na (sa komite). Ie-endorse na sa floor,” ayon kay Lacson.

“Definite na yung sa base pay – military, police, all the uniformed personnel. Definite na yun. No-brainer na yun,” dagdag nito.

Kakailanganin umano rito ng P60 bilyon hanggang P70 bilyon at ipapaloob ito sa panukalang pambansang badyet para sa susunod na taon o ang General Appropriations Act.

Igigiit naman umano ni Lacson na isabay na sa bibigyan ng umento ang may 200,000 retiradong pulis at sundalo dahil matagal nang maliit ang kanilang natatanggap.

Nasa P38 bilyon ang tinatayang kailangan para sa umento sa pensyon.

Isinulong ito ng mga senador bilang suporta sa paulit-ulit na pangako ng Pangulo na dodoblehin ang sweldo ng mga pulis at sundalo bilang pagkilala sa kanilang pagbabantay sa national security at peace and order ng bansa. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?