27

By

Basagan-ulo ng 2 frat sa UP Diliman, uusisain ng pulisya

Sharing is caring!

Iniimbestigahan na ngayon ng pamunuan ng Quezon City Police District (QCPD) ang nangyaring rambulan sa pagitan ng dalawang magkalabang fraternity group sa loob ng campus ng University of the Philippines (UP) sa Diliman, Quezon City.

Dahil dito ay iniimbestigahan na ng UP police ang mga miyembro ng Upsilon Sigma Phi at Alpha Phi Beta (APB) kung ano ang sanhi at dahilan sa nangyaring girian ng dalawang frat matapos na magkasalubong sa Palma Hall ng unibersidad nitong nakaraang Nobyembre 13, dakong alas-5:30 ng hapon.

Sa ulat, 25 miyembro ng fraternity ang nagsigawan at nagrambulan sa Palma Hall sa hindi malamang dahilan at naawat lamang ang mga ito ng dumating ang mga security guard at UP Police. Tatlong miyembro ng APB ang dinala sa UP Infirmary matapos magtamo ng mga pasa.

Hindi muna nagbigay ng opisyal na pahayag ang pamunuan ng UP habang iniimbestigahan pa ang kaso.

Dahil dito, kinondena ng UP Law Student Government (UP LSG) ang insidente kaya bubuo umano sila ng fact-finding committee para makakuha ng mga impormasyon upang mapanagot ang mga nagsimula ng kaguluhan.

Nabatid na nasundan pa umano ang insidente sa unibersidad makaraang napabalitang may isang SUV na pagmamay-ari umano ng miyembro ng Upsilon ang hinarang ng isang kotse at gamit ang baseball bat ay pinagbabasag ang salamin ng sasakyan.

Subalit mariin naman itong pinabulaanan ng pamunuan ng UP at anila’y hinigpitan na ang seguridad sa unibersidad habang nagpatuloy ang imbestigasyon sa dalawang insidente.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?