5

By

Barriga uupakan ang IBF minimum belt

Sharing is caring!

Muling tatapak sa parisukat na lona si 2012 Olympian Mark Anthony Barriga para naman subukang sungkitin ang bakanteng International Boxing Federation (IBF) minimum weight title kontra kay Carlos Licona ng Mexico sa Disyembre 1 sa Staples Center sa Los Angeles, California.

Nagkaroon ng pagkakataon si Barriga sa nasabing world title, na binakante ni Hiroto Kyoguchi na umangat sa light flyweight, dahil sa pagkapanalo nito noong Mayo kontra kay Gabriel Mendoza sa SM North City Skydome at ang laban na ito ay magiging undercard ng bakbakang Deontay Wilder kontra Tyson Fury.

Ang nasabing bakbakan ay una na nitong pinaplano na ganapin dito sa Pilipinas pero ang handler ni Licona na si Mikey Garcia ay iginiit na si Licona ay dapat lumaban sa Amerika.

Ayon kay international matchmaker Sean Gibbons, ang pagbitbit kay Barriga sa L.A bilang undercard ng Wilder-Fury fight ay isang milestone sa Philippine boxing.

“It’s the first time ever that a world title fight in boxing’s heaviest division will be in the same card as a world title fight in boxing’s lightest division. Mikey has lately emerged as a possible future opponent for Sen. Manny (Pacquiao) so this fight becomes even more interesting because of that aspect,” wika ni Gibbons.

Nagpapasalamat din si Barriga na nabigyan siya ng pagkakataon na lumaban sa nasabing card at nangako ito na gagawin at ibibigay niya ang lahat sa laban na ito.

“Nagpapasalamat ako sa itaas at sa lahat ng mga tao na sumubaybay at sumuporta sa akin. Basta ako gagawin ko lahat sa ibabaw ng ring dahil hindi naman kami nag kulang sa training at 100 percent lalaban kami kahit anong mangyari,” sabi ni Barriga.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?