99

Oct 14, 2017 @ 14:09

Barko pinalubog ni ‘Odette’ , 11 Indians nawawala

Isang dayuhang barko ang lumubog sa karagatan ng Sta. Ana, Cagayan sa kasagsagan ng Bagyong Odette.

Sa Sta. Ana, Cagayan naglandfall kahapon (October 13) ng 12:40 ng madaling araw ang Bagyong Odette.

Ayon kay Captain Armand Balilo, tagapagsalita ng Philippine Coast Guard (PCG), nakatanggap ng ulat ang PCG-Action Center mula sa RCC Norway, Korea Maritime Rescue Coordination Center (MRCC), Japan MRCC at Hong Kong MRCC kaugnay sa distress alert mula sa MV Emerald Star na naglalayag sa layong 151 Nautical Miles hilagang silangan ng Sta. Ana, Cagayan kahapon ng 1:25 ng madaling araw.

Ang barko na galing ng Hong Kong ay patungo ng Indonesia.

Kaagad namang inalerto ng PCG-Action Center ang Coast Guard District North Eastern Luzon para magsagawa ng search and rescue operations sa mga nawawalang sakay ng lumubog na foreign vessel.

Inabisuhan din ng PCG ang iba pang barko na maglalayag sa lugar na maging mapagmatyag.

Batay naman sa pinakahuling ulat mula sa Japan Coast Guard, 11 tripulante na ang nailigtas ng Densa Cobra, lima naman ang nasagip ng SM Samarinda.

Isa pang dayuhang barko ang tumutulong na rin sa search operations.

Sinabi pa ni Captain Balilo na naka-standby na rin sa lugar ang mga barko ng PCG, pero hirap silang makapagsagawa ng operasyon bunsod ng masamang lagay ng panahon. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?