82

Mar 1, 2020 @ 16:23
By

Barker tinodas sa paradahan

Nagsasagawa ng imbestigasyon ang Taguig Police kaugnay sa pamamaril ng isang barker na pinaulanan ng mga bala ng hindi pa nakikilalang saralin, Sabado ng hapon sa Taguig City.

Nagtamo ng maraming tama ng bala mula sa hindi pa mabatid na kalibre ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima na si Marvin Esteban, 47-anyos, residente ng MLQ St., Barangay Bambang.

Batay sa report ni Police Col. Celso Rodriques, hepe ng Taguig City Police, naganap ang pamamaril bandang 4:53 Sabado ng hapon sa Barangay Bambang habang nakatayo ang biktima sa naturang lugar nang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang lalaki na umanoy naglakad lamang patakas.

Base naman sa report ng pulisya, ang biktima ay sangkot sa mga kasong robbery, akyat-bahay at sa droga sa nasabing lugar.

Sinabi naman ng asawa ng biktima na si Marites Esteban, nasa hustong gulang, na nagtungo lamang sa hindi kalayuan sa kanilang bahay ang asawa para mag-barker.

Ngunit nabalitaan na lamang niya sa kanilang lugar na pinagbabaril hanggang sa mapatay ang kanyang asawa.

Palaisipan ngayon sa pamilya Esteban ang ginawang pamamaslang sa biktima gayong wala naman silang alam na dahilan para patayin ito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?