119

Dec 11, 2017 @ 17:45
By

Barker tinaniman ng 2 bala sa ulo, todas

Todas matapos traydurin na barilin sa ulo ang isang lalaking barker ng hindi pa nakikilalang suspek habang abala sa pakikipagkuwentuhan ang una sa Malabon City kamakalawa ng hapon.

Sa ulat nina PO3 Julius Mabasa at PO1 Joenel Claro, ng Malabon City Police Community Precinct 5, alas-dos ng hapon nang maganap ang insidente sa kahabaan ng Women’s Club Street, Barangay Hulong Duhat ng nasabing lungsod.

Masaya umanong nakikipagkuwentuhan sa kanyang mga kaibigang tricycle driver ang biktimang si Fernando Cortez, alyas Japok, 34-anyos, na residente ng Barangay Tanza, Navotas nang pasimple siyang lapitan ng isang hindi pa nakikilalang suspek sa likuran saka binaril ng dalawang beses sa kanyang ulo na agaran nitong ikinasawi.

Agad na tumakas ang suspek na ayon sa mga nakasaksi ay lumapit umano sa isa pang lalaki na naghihintay sa kanya sa tulay na binabaybay ang patungong Tanza.

Sa pagsisiyasat naman ng SOCO ay nasa dalawang empty shells mula sa .45 kalibre na baril ang narekober sa pinangyarihan ng krimen.

Napag-alaman ng pulisya sa ilang mga nakakakilala sa biktima na bago umano ang insidente ay may nakaaway ang biktima na isang tricycle driver na sakop ng Navotas ngunit naawat naman umano ito. (Cherk Balagtas)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?