46

By

Barker biglang binaril sa ulo

Patay ang isang binatang barker at isa ang malubhang nasugatan sa magkahiwalay na pamamaril na naganap sa Paranaque at Taguig City nitong Biyernes ng gabi.

Namatay sa pinangyarihan ng insidente ang biktimang si Robert Asorina Castillo, 35 anyos, nakatira sa Strada 2 Barangay BF Homes Paranaque City makaraang magtamo ng ilang tama ng bala nang hindi pa mabatid na kalibre ng baril sa ulo at sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Base sa isinumiteng report ni Police Col. Robin Sarmiento, hepe ng Paranaque City Police, dakong alas-11:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa kahabaan ng Dr. A Santos Avenue, Sucat Interchange, tabi ng SDPWH, Barangay. San Antonio, Parañaque City.

Lumabas sa imbestigasyon, habang nakatayo ang biktima sa nasabing lugar nang biglang sumulpot ang hindi kilalang suspek at sabay na pinaputukan ng makailang beses ang biktima na agad na ikinasawi nito.

Kaagad namang tumakas ang hindi pa nakikilalang gunman sakay ng kanyang motorsiklo na hindi naplakahan.

Sa ngayon ay patuloy na nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad upang mabatid ang motibo nang pamamaslang sa biktima.

Inaalam na rin kung mayroon nakalagay na close circuit television (CCTV) camera sa lugar at kung nahagip ang insidente para sa pagkakilanlan ng salarin.

Samantala, ginagamot naman sa Taguig-Pateros District Hospital ang biktimang si Angelito Vicente Falcon, 42, laborer matapos itong barilin ng hindi rin kilalang gunman.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Taguig City Police, dakong alas-11:00 ng gabi nang maganap ang insidente malapit sa Simbayanan ni Maria sa ML Quezon St., Purok 3, Barangay New Lower Bicutan ng naturang lungsod.

Habang naglalakad pauwi si Falcon, ng biglang sumulpot sa harapan nito ang isang lalaki na armado ng baril at walang salitang pinutukan ito at nang duguang bumulagta ay mabilis na tumakas ang salarin.

Agad naman isinugod ng mga bystander na nagmalasakit ang duguang biktima sa nasabing pagamutan.

Patuloy ring iniimbestigahan ng mga imbestigador ng Taguig City Police ang naganap na pamamaril at inaalam na rin ang motibo nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?