255

Dec 24, 2017 @ 13:30
By

Baril ng mga pulis hindi ulit bubusalan – Bato

Tulad noong nakaraang taon, hindi muli tatakpan ng Philippine National Police (PNP) ang baril ng mga tauhan nito ngayong Kapaskuhan hanggang sa pagsalubong ng bagong taon.

Sa panayam ng Super Radyo DZBB, sinabi ni PNP chief Director General Ronald “Bato” Dela Rosa na hindi kailangang selyuhan ang mga baril dahil kailangan ito ng mga pulis na pawang naka-duty naman ngayong panahon ng mga holiday.

“Paano ka makakaputok kung ikaw ay naka-uniporme at nagdu-duty? Nire-require natin yan, 100 percent, lahat ng kapulisan natin ina-account natin during Christmas Eve at New Year’s Eve,” pahayag ni Dela Rosa.

Noong nakaraang taon, hindi rin binusalan ang mga baril at wala naman umanong nakasuhan noon na lumabag at walang nakasuhan ng indiscriminate firing.

Patunay umano iyon na disiplinado ang mga pulis at mapagkakatiwalaan pa rin ang mga ito.

“Wala na dahil na-experience naman natin last year, hindi na natin ginawa yung practice na yan na ilang taon na ginagawa natin. Sa awa ng Diyos, wala rin namang pulis na na-charge last year,” dagdag ni Dela Rosa.

Malamang aniya na hindi na uulitin ang nakagawian noon na pagbusal sa mga baril.

“I think okay na yun, tuluy-tuloy na yun. Hindi na tayo magte-tape ng muzzle ng baril,” pahayag pa niya.

Naging tradisyon na ng nakaraang pamunuan ng PNP na lagyan ng tape ang nguso ng mga baril bilang paraan para mamonitor kung may nagpaputok ng baril sa pagsalubong sa Pasko at Bagong Taon.

Naitala sa mga nakalipas na ang mga namatay at nasugatan dahil tinamaan ng ligaw na bala.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?