83
Baril ng mga parak 'di bubusalan ngayong Kapaskuhan
Dec 16, 2019 @ 14:39
By

Baril ng mga parak ‘di bubusalan ngayong Kapaskuhan

Sa ikatlong sunod na taon ay hindi bubusalan ang mga baril ng mga pulis ngayong holiday season upang patunayan na responsable sila, ayon sa pamunuan ng Philippine National Police (PNP).

Sabi ni PNP deputy chief for operations Lt. General Camilo Cascolan, bagama’t walang busal ang kanilang mga baril ay ipapatupad naman ang one-strike policy sa mga pulis, station commander, at chief of police kapag hindi nila naresolba ang kaso ng indiscriminate firing sa kanilang nasasakupan na ikakasugat o ikakamatay ng isang biktima sa loob ng 24 oras.

Ipatutupad aniya ang polisiya sa mga police commander at hepe ng pulisya at agad silang sisibakin sakaling isa sa kanilang mga pulis ay nahuli sa kasong indiscriminate firing.

“Our ultimate target is to reduce the 33 incidents of indiscriminate firing and 12 cases of stray bullet injuries last year (2018) to zero this Christmas season (2019),” pahayag ni Cascolan sa press briefing sa Camp Crame.

“We have no directive, but basically, we will not do that anymore because we give our trust to our people. Mas maganda nga na during the previous years, walang muzzle taping or wala nga yata last year or for 2 years now, walang pulis na namaril o nagpapaputok,” dagdag pa ng opisyal.

Paliwanag pa ni Cascolan, kinakailangan umanong paigtingin ng hepe ng pulisya ang community partnership upang makilala ang mga tao sa isang barangay na mayroong loose firearms, dahil kadalasang ang mga hindi lisensyadong baril ang siyang ginagamit sa mga indiscriminate firing.

Parehong polisiya din ang gagawin ng PNP sa pag-atake ng mga tauhan ng New People’s Army (NPA) na inaasahang aatake sa mga susunod na araw dahil sa kanilang anibersaryo sa Disyembre 26.

Kadalasan umanong inaatake ng NPA ang mga police station kaya naman ipapatupad din ang one-strike policy sa mga commander upang paghandaan ng mga ito ang pag-atake ng mga komunista.

“They should know what is going on in the communities under them in order to avert incidents like these,” sabi ni Cascolan.

Tinaas na ng PNP ang “full alert status” simula nitong Linggo, Disyembre 15, 2019, hanggang sa buong holiday season, at magtatapos sa Enero 5, 2020.

“The full alert means the highest level of readiness in all police officers and units in Luzon and Visayas. When we are on full alert, 50-50: 50 percent will have to be on duty, 50 percent will have to be on holiday season. If they are called for considering there is an emergency that arises, everybody should report to their units,” paliwanag ni Cascolan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?