43
views
barangay-hall1
By

Barangay, SK officials na sangkot sa droga, kakasuhan na ng DILG

Sharing is caring!

Sisimulan na ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang paghahain ng kaso laban sa mga Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) officials na umano’y sangkot sa operasyon ng ilegal na droga sa iba’t ibang panig ng bansa.

Sa ginanap na press conference kahapon kaugnay sa nalalapit na Barangay at SK elections, sinabi ni Assistant Secretary for Communications and Public Affairs Jonathan Malaya, na bumuo na ang ahensya ng task force na tututok lamang para rito.

Bukod aniya sa direktang pagkakasangkot sa illegal drugs, kabilang din sa mga sasampahan ng kasong kriminal at administratibo ang mga chairman na hindi nakikipag-cooperate at bigong bumuo ng Barangay Drug Abuse Council o BADAC.

Sa direktibang pirmado ni DILG OIC Secretary Eduardo Año, pinagsusumite na ang lahat ng barangay sa buong bansa ng kanilang sariling report sa kampanya laban sa illegal drugs.

Tiniyak ni Malaya na bago ang nakatakdang halalan sa barangay ngayong buwan ng Mayo ay masasampahan na ang nabanggit na mga opisyal kabilang na ang mga kapitan ng barangay sa Metro Manila.

Matatandaang una nang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na 40 porsiyento ng mga barangay chairman sa buong Pilipinas ay sangkot sa ilegal na droga.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?