93
suspects-blind-item
Apr 25, 2018 @ 18:31
By

Barangay, SK leaders sa illegal drug trade, ilalantad ng PDEA

Papangalanan at ilalantad na anumang araw ngayong linggo ng pamunuan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa publiko ang pangalan ng mga Barangay Official na sangkot sa bawal na gamot.

Sa press conference, sinabi ni PDEA Director General Aaron Aquino, binigyan na siya ng ‘go signal’ ng Malakanyang para isiwalat sa publiko ang listahan ng mga ‘narco’ official ng barangay, kabilang na ang mga Chairman, Kagawad at mga tanod.

Ayon kay Aquino, nasa 211 ang pangalan ng mga opisyal ng barangay na nasa kanilang ‘narco list’ na direkta kaalam at sangkot sa pagtutulak ng droga sa bansa.

Sa ngayon ani Aquino, isinasapinal na lamang nila ang listahan at sa loob ng linggong ito, ilalantad na nila ito sa publiko.

Inihayag pa ni Aquino na na-validate na ng Pangulong Rodrigo Duterte ang narcolist batay na rin sa mga ebidensya na nakuha laban sa kanila.

Una dito ay binalaan na ng PDEA at Department of the Interior and Local Government (DILG) na magsasampa ng kaso laban sa mga opisyal ng barangay na may ugnayan sa iligal na droga.

Layunin ng PDEA na hindi na muling maihalal pa ng mga botante ang mga nasa ‘narcolist’.

Ang mga Barangay Official ang siyang ‘front runner’ ng pamahalaan na dapat sana ang siyang unang susugpo sa paglaganap ng droga sa bansa pero ang iba ay sila pa ang pasimuno ng pagtutulak at nagbibigay ng proteksiyon sa mga drug pusher sa kani-kanilang nasasakupan.

Kaugnay nito, sinabi rin Aquino, na bukod sa pagtugis sa mga kilalang sa drug sa bansa ay inako na rin ng PDEA ang pagsasailalim sa rehabilitasyon sa mga drug adik na susuko sa kanila.

Aniya, tinawag nilang Balay Silangan Reformation Proram ang proyekto na naglalayong isailalim sa rehabilitasyon ang mga drug suspects na sumuko sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Ang Bahay Silangan ay ‘alternative intervention’ para sa mga indibidwal na nalulong na sa bisyo ng iligal na droga at hindi napahintulutang sumailalim sa medical treatment. “Jail and prosecute the pusher save the user” ani Aquino

Nagkaroon na ng paglagda sa Memorandum of Understanding ang PDEA sa National Oversight Committee kung saan bubuksan ang 4 na pilot sites sa General Santos sa May 22, Cabanatuan City sa May 24, Capiz sa May 26 at Caloocan City sa May 30.

Ani Aquino, sa pamamagitan ng programa magkakaroon ng ‘fresh start’ ang mga drug suspects dahil nakapaloob dito ang General interventions kagaya ng education at health awareness, psychological, spiritual, physical activities katulad ng counseling, moral recovery at values formation.

Magbibigay din ang PDEA ng livelihood at skills training programs, tulad ng soap making, massage training, basic carpentry, welding, at haircutting ang ibibigay sa mga susukong drug user.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?