9,027

By

Barangay, SK elections tuloy na tuloy – Sotto

Sharing is caring!

Pinatitigil na ni Senate Majority Leader Tito Sotto ang mga kongresista at ang mga pro-Charter change sa paggigiit na huwag ituloy ang halalang pambarangay at Sangguniang Kabataan (SK) na nakatakda na sa Mayo 14.

Ayon kay Sotto, garantisado nang matutuloy ang eleksiyon dahil hindi na magagawa ang batas para sa muling pagpapaliban nito.

Idiniin na wala nang panahon dahil hanggang sa Miyerkoles na lang sa susunod na linggo ang sesyon ng Kongreso.

Bakasyon ang Kongreso mula Marso 22 hanggang sa Mayo 13.

Bukod dito, walang senador na nagsusulong na ipagpaliban ang eleksiyon at hindi pa rin umaakyat sa Senado ang panukalang batas ukol dito na inaprubahan ng Kamara.

Dagdag pa rito, sinabi ni Sotto na hindi rin hinihingi ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipagpaliban ang eleksiyon.

Una nang inaprubahan ng House committee on suffrage ang pagpapaliban ng kambal na eleksiyon tungo sa Oktubre 8.

Kahapon, pinulong ng Pangulo ang liderato ng Senado at Kamara pero wala umanong kinalaman sa barangay at SK elections kundi sa panukalang Bangsamoro Basic Law o BBL.

Ayon kay Sotto, kasama niyang dumalo sa pulong na iyon sina Senate President Koko Pimentel, Senador Gregorio Honasan at Senador Panfilo Lacson.

Naroon din sina House Speaker Pantaleon Alvarez, House Majority Leader Rodolfo Fariñas, Deputy Speaker Bai Sandra Sema at ilan pang kongresista.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?