28

Aug 22, 2018 @ 16:01
By

Barangay, SK elections sa Marawi, itinakda sa Setyembre 22

Matapos ang halos tatlong buwang pagpapaliban ng Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections sa Marawi City dahil sa nangyaring bakbakan sa pagitan ng tropa ng gobyerno at ng teroristang ISIS, matutuloy na ang lokal na halalan sa lungsod.

Sa resolusyon ng Commission on Elections (Comelec), pinagtibay ng en banc ang Resolution No. 10412 na pirmado nina Comelec Chairman Sheriff Abas at ng anim pang commissioner nito na nagtatakda ng halalang pambarangay na isasagawa sa Setyembre 22 ngayon taon.

Sa inilabas na schedule ng Comelec, magsisimula na bukas (Agosto 23) ang paghahain ng Certificates of Candidacy ng mga kandidato.

Magsisimula ang kampanyahan sa Setyembre 12 na tatagal hanggang Setyembre 20.

Sa Setyembre 21 o sa bisperas ng mismong halalan, bawal na ang pagbebenta ng alak, pagbibigay at pagtanggap ng libreng transportation, pagkain at inumin hanggang sa election day.

Ayon kay Comelec Spokesman James Jimenez, tinatayang aabot sa 79,000 ang mga botante sa Marawi City kasama na rito ang mga residente mula sa 24 na barangay mula sa tinatawag na ground zero.

Magbubukas ang polling precincts sa Setyembre 22 ng alas-siyete ng umaga at magsasara naman ganap na alas-tres ng hapon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?