132

Oct 1, 2017 @ 14:42

Barangay, SK elections postponement: Pirma na lang ni Du30 ang kulang

Simula na ng election period para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections, pero umaasa ang Commission on Elections (COMELEC) na kung lalagdaan ang panukala na nagpapaliban sa botohan, sana ay gawin ito bago ang simula ng paghahain ng kandidatura.

Ayon kay COMELEC Spokesman James Jimenez, sa October 5 ay magsisimula na ang paghahain ng Certificate of Candidacy (COC) na tatagal hanggang October 11.

Bagamat naipasa na ng Kongreso ang panukalang nagpapaliban sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections, kinakailangan pa itong malagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte para ganap na maging batas.

Paliwanag ni Jimenez, sa oras kasi na maghain ng COC ang isang appointed official sa gobyerno, siya ay ituturing na nagbitiw na sa pwesto.

“Ang problema natin, kapag nag-start na yung filing at may nakapag-file na, tapos biglang sinuspinde ang election, the problem there is that when you file a certificate of candidacy, automatically deemed resigned ka, so mawawalan sila ng trabaho kapag na-suspend,” saad ni Jimenez.

Dagdag pa ni Jimenez, nakahanda na rin ang COMELEC na ipadala ang mga naimprentang balota sa Luzon at Visayas.

Ang botohan sa Mindanao ay nauna nang ipinagpaliban ng COMELEC dahil sa nagaganap doong rebelyon. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?