46

Oct 4, 2017 @ 12:25

Barangay, SK elections kanselado na

Pinirmahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang batas na nagpapaliban sa Barangay at Sangguniang Kabataang elections na nakatakda sana sa loob ng buwang kasalukuyan.

Sa ilalim ng Republic Act 10952, ipinagpaliban ang halalang pambarangay ngayong buwan at sa halip ay gagawin ito sa May 14, 2018.

Dahil dito mananatili sa puwesto ang mga nakaupong opisyal ng barangay hanggang June 30, 2018.

Ang batas para sa pagpapaliban ng halalang pambarangay ay isa sa mga isinulong ni Pangulong Duterte sa kongreso dahil sa kagustuhan nitong matigil ang pamamayagpag ng illegal drug trade sa bansa.

Ayon sa Presidente 40% ng mga barangay captains sa buong bansa ay sangkot at protector ng illegal na droga at ayaw nitong magamit ang narco-money sa barangay elections.

Naunang iminungkahi ng Pangulo na kapag naipagpaliban ang barangay at SK elections ay magtalaga ng kapalit ng mga ito subalit sa naipasang batas, mananatili ang mga barangay officials sa kanilang puwesto hanggang sa susunod na taon. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?