355

Apr 2, 2020 @ 9:50
By

Barangay sa Lucena, na-total lockdown ng mga sundalo

Biglaang sinailalim ng mga sundalo at pulis sa total lockdown ang isang barangay sa Lucena City, Quezon ngayong Huwebes, dahilan para magkaroon ng tensiyon sa mga checkpoint na nilatag ng mga awtoridad.

Madaling araw pa lamang ay napuno na ng mga residente na bibili ng mga pangangailangan ang pasukan at labasan ng Barangay Cotta sa nasabing lungsod, matapos na harangin ang mga ito ng mga sundalo at mga tauhan ng PNP.

Ayon sa mga awtoridad, pinag-utos daw ng alkalde ng Lucena na si Mayor Roderick Alcala ang pansamantalang total lockdown ng barangay dahil sumasailalim sa contact tracing ang komunidad matapos magpositibo sa COVID-19 ang isa sa mga residente.

Ayon umano sa report, nakipag-inuman at nakipaglaro pa ng basketball ang lalaki bago ito nalamang COVID-19 positive, kaya mahigpit ang ginagawang pagtunton sa mga nakasalamuha nito.

Umangal naman ang mga nasupresang residente dahil ang araw ng Huwebes ang tinalagang araw upang makapamalengke ang mga taga-Cotta, batay na rin sa pinapairal na barangay coding ng lungsod para sa mamamalengke sa public market.

Pinapayagan namang lumabas ang mga pribadong sasakyan na may mga kakukulang dokumento at permit at napatunayan na sangkot sa delivery ng mga essentials.

Sa pinakahuling ulat mula sa Quezon Integrated Public Health office, may 9 nang positibo sa COVID-19 sa lalawigan ng Quezon; lima dito ang mula sa Lucena City.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?