453

Nov 6, 2017 @ 11:55

Barangay outpost sa bangketa, giniba ng MMDA

Pinatunayan ni Metro Manila Development Authority (MMDA) Chairman Danilo Lim na wala siyang sinasanto sa kanilang sidewalk clearing operations.

Personal na sinubaybayan ni Lim ang paggiba sa outpost ng Barangay 79 sa kanto ng Taft Avenue at Cuneta Avenue.

Hindi na rin pinakinggan ni Lim ang pakiusap ni Punong Barangay Dexter Mangorangca na huwag ituloy ang paggiba sa outpost na katabi lang ng kanilang barangay hall.

Aminado naman si Mangorangca na nasa bangketa ang kanilang outpost at aniya noong nakaraang taon lang niya ito ipinatayo.

Katuwiran naman ng barangay official, pinagawa nila ang outpost para sa pagbabantay ng kanyang mga tanod sa paligid, kasama na ang isang malaking shopping mall.

Kinumpiska rin ng MMDA ang mga salaming bintana at pintuan ng outpost.

Samantala, pinaalis din ng MMDA ang sidewalk vendors sa kanto ng Taft Avenue at E. Rodriguez St., sa Baclaran.

At gaya ng mga naunang sidewalk clearing operations sa lugar, hindi naman kinumpiska ng MMDA ang mga paninda ng mga vendor.

Ayon kay MMDA clearing operations supervisor Bong Nebrija, hindi sila magsasawang balik-balikan ang lugar hanggang sa matuto ng disiplina ang mga vendor. (Pinggoy Romero)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?