chr1
By

Barangay narco list walang saysay kung walang kakasuhan – CHR

Sharing is caring!

Ipinahayag ng Commission on Human Rights (CHR) ang pagkadismaya sa pagsasapubliko ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ng listahan ng mga chairman at kagawad na sangkot umano sa bentahan ng ilegal na droga.

Sa panayam ng Super Radyo DZBB, sinabi ni CHR spokesperson Jacqueline De Guia na ipinahiya lang ng PDEA ang mga hinihilang sangkot sa ilegal na gawain.

Wala umanong saysay ang listahan, tinaguriang narco list, dahil wala namang sasampahan ng kaso ang pDEA.

Ang kawalan ng kaso matapos ang ganitong pagbubulgar ay pagkakait umano ng due process.

Kung may kaso sa korte, may pagkakataon umano ang suspek na idependsa ang sarili.

Inilabas kaninang umaga ni PDEA Director General Aaron Aquino ang pangalan ng 207 na mga kapitan at kagawad ng baranggay na beripikado umanong sangot sa illegal drug trade.

Nasa proseso pa umano ang PDEA sa paghahanda ng mga kasong kriminal laban sa mga nasa listahan.

Ayon kay De Guia, kung beripikado ang impormasyon ng PDEA, dapat ay nagsampa na sila ng kaso sa korte.

“Kung nailabas ang listahan nang hindi naman naisampa ang kaso dahil hindi nagkaroon ng case build-up ay patuloy pa rin ang problema sa droga,” sabi ni De Guia.

Tiniyak namang magbabantay dito ang CHR.

“Patuloy pa rin pong tututok ang CHR sa issue na ito at kung meron naman pong magsampa ng kaso, makakaasa po ang publiko na gagawin po namin ang aming mandato na magimbestiga,” dagdag nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?