998

Dec 13, 2017 @ 14:33
By

Barangay chairman sa Malabon, nag-suicide

Natagpuang wala nang buhay ang isang kapitan ng barangay sa loob ng kanyang silid na hawak pa ang baril na hinihinalang ginamit niya umano sa pagpapatiwakal sa Malabon City kahapon ng umaga.

Sa ulat ng Malabon City Police, alas-nuwebe umano ng umaga nang matagpuan ng isa sa kanyang mga tauhan ang wala nang buhay na biktimang si Alex Roque Jr., barangay chairman ng Barangay Baritan ng nasabing lungsod sa loob ng kanyang kuwarto.

Base sa salaysay ng isa sa mga tauhan nito, gabi pa lamang umano bago nito ay nagkulong na sa kanyang silid ang biktima na bukas ang TV at malakas ang volume, kung saan kinaumagahan ay nakitang patay na si Roque at may natagpuang isang bote ng alak na wala nang laman.

Mag-isa lamang umano noon sa kanyang silid si Roque hanggang sa matagpuan na patay na.

Napag-alaman na bago ang insidente ay may Facebook post pa si Roque na nasa Philippine General Hospital ang location at nagsasabing “Sa hirap at sarap diyan mo makikilala ang tunay mong kaibigan.”

Ayon naman sa iba pang katrabaho ng biktima sa barangay, masaya pa umano itong umalis sa kanilang tanggapan dahil sa naihanda na umano niya lahat ng kinakailangan nila para sa Christmas party ng kanilang barangay.

Samantala, bukod sa .45 kalibre na baril na nakitang hawak ni Roque nang magpatiwakal umano ito, ay isang suicide note din ang nakita na hindi na ipinagbigay-alam ng pulisya ang nilalaman dahil kasalukuyan pang kinukumpirma kung sulat-kamay ba ito ng biktima. (Cherk Balagtas)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?