137
ABANTE Interior Secretary Eduardo ano
Jan 31, 2018 @ 8:54
By

Barangay chairman malilintikan sa tanod na may baril – Año

Naka-duty man o hindi ay ipinagbabawal ang pagdadala ng mga barangay tanod ng baril.

Ito ang paglilinaw ni Interior Secretary Eduardo Ano kasabay ng pagpapaalala sa mga barangay chairman na sila ang siyang mananagot sa batas kapag nahulihan ng baril ang kanilang tanod.

Ang paalala ay ginawa ng Department of Interior and Local Government kasabay ng natanggap na report na may ilang tanod ang nakikitang may bitbit na baril kapag naka-duty.

Ani Ano, sa ilalim ng Republic Act (RA) No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act of 2012 ay ipinagbabawal ang pagdadala ng armas ng mga police auxiliary units kabilang ang tanod na dati ay pinapayagan sa ilalim ng Circular No. 2008-013 ng National Police Commission.

“There is no longer any legal basis for arming barangay tanods,” pahayag ni Ano.

Ang tanging maaari umanong iarmas at dalhin ng mga tanod ay nightstick na may teargas (probaton), belt at holster, handcuff na may holster, whistle, flashlight, raincoat, rain boots, notebooks at ball pen, first aid kits at hindi mapanganib na gadgets.

“Bagaman mahalaga ang papel ng mga tanod sa pagtulong sa pagbabantay at

pagpapanatili ng kaayusan at seguridad sa mga komunidad, kailangan pa rin pong linawin at ipaalala na hindi sila otorisadong magdala at gumamit ng baril kahit pa ang armas ay personal nilang kagamitan at kahit pa mayroon silang permit to carry outside their residence,” dagdag pa ni Ano.

Samantala ang mga punong-barangay ay pinapayagan naman na magdala ng baril ssubalit limitado lamang ito sa kanilang territorial jurisdiction. (Tina Mendoza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?