63

Mar 11, 2020 @ 18:48
By

Barangay assembly sinuspinde ng DILG

Ipinasuspinde ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang Barangay Assembly Day na nakatakda ngayong buwan upang maiwasan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, bagama’t mahalaga ang Barangay Assembly Day, kailangan nila itong suspindihin pansamantala at isipin muna ang ‘greater good’ at tiyakin ang kapakanan ng nakararaming mamamayan.

“Sa harap ng banta ng COVID-19, mas mainam na iwasan natin muna ang mga malakihang pagpupulong para hindi na dumami pa ang mga kaso ng COVID-19,” ayon pa kay Año.

Nabatid na ang Barangay Assembly Day ay isang biannual meeting na idinaraos sa anumang araw ng Sabado at Linggo tuwing Marso at Oktubre, alinsunod sa iminamandato ng Section 397 ng Local Government Code of 1991.

Sa naturang asembliya, ang barangay chairman ay inaasahang magbibigay ng kanyang ulat, kabilang ang mga accomplishment, plano at programa para sa taon.

Tatalakayin rin sa pulong ang mga problema ng barangay at magpapanukala ng mga solusyon dito.

Una nang inatasan ng DILG ang mga local government units sa National Capital Region na ipagpaliban ang lahat ng mass gatherings bilang “social-distancing measure” para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 sa publiko.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?