73

Jan 23, 2020 @ 14:52
By

Bar sa Makati sinalakay, 31 babae naligtas

Isa na namang prostitution den ang sinalakay ng pinagsanib na puwersa ng mga tauhan ng Investigation and Detective Management Branch (IDMB) at Women and Children Protection Desk (WCPD) ng Makati City Police Station, kung saan 31 kababaihan ang na–rescue nang magkasa ng surveillance at entrapment operation nitong Miyerkules ng gabi na umabot hanggang kaninang madaling araw.

Ayon kay Police Col. Rogelio Simon, hepe ng Makati City Police, matagal na nilang tinitiktikan ang “Ihaw-Ihaw Atbp. Bar and Restaurant” na matatagpuan sa Filmore Street, Barangay Palanan ng nabanggit na lungsod dahil nagpapalabas umano ang mga ito ng mga babaeng sumasayaw nang hubo’t hubad at may nagaganap umano ritong sexual activities.

Nang magpositibo, dakong alas-11:00 ng gabi, Enero 22, nang salakayin ng mga pulis ang nasabing bar at umabot ng alas-3:05 ng madaling araw, Enero 23, ang operasyon.

Na-rescue ang 31 babaeng nakasuot ng malalaswang damit habang inaresto naman ang 15 kawani ng bar. Dinakip din ang 21 Pinoy at tatlong Indonesian national, pawang mga customer ng bar.

Nabatid din ng Makati Police na expired na ang business permit gayundin ang health working permit ng mga empleyado ng nasabing bar.

Sa ngayon ay nai-turn-over na ng mga awtoridad sa Makati City Business Permit and Licensing Office ng Makati (BPLO) ang posibleng pagsasara ng establisimiyento, habang patuloy itong iniimbestigahan.

Ang 31 babaeng na-rescue ay pansamantalang nasa tanggapan ng WPCD ng Makati City Police.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?