389

Dec 25, 2019 @ 11:31
By

Bantay Ursula: Signal No. 3 tinaas sa 9 na lugar

Patuloy ang pananalasa ng bagyong Ursula sa Kapaskuhan sa pananatili ng lakas nito na nagdulot ng malalakas na pag-ulan at hangin sa ilang probinsya sa Luzon at Visayas, nitong Miyerkoles ng umaga.

Ayon sa Pagasa, tutumbukin pa rin ng nasabing bagyo ang mga lugar ng Masbate, Aklan, Capiz hilagang parte ng Antique, hilagang silangan ng Iloilo at Romblon.

Mahahagip din ng mata ng ‘Ursula’ ang ilang parte ng Mindoro.

“In case of the passage of the eye in some of the aforementioned areas, calm conditions will be experienced. However, as soon as the eye moves out of the area, violent conditions associated with the eyewall will resume,” saad ng weather bureau.

Dahil dito’y itinaas ang yellow rainfall warning sa Romblon, Marinduque at Oriental Mindoro na makakaranas ng mabigat na pag-ulan na aabot sa 7.5 hanggang 15mm sa loob ng isa hanggang sa susunod na dalawang oras.

Inaasahan din ang light to moderate rain sa rehiyon ng Bicol, Visayas, Calabarzon, Metro Manila, Aurora at hilagang bahagi ng Palawan.

Samantala nakataas naman ang Signal No. 3 sa Western Masbate, Romblon, Southern Oriental at Occidental Mindoro, Calamian Islands, Capiz, Aklan, Northern Antique at Northern Iloilo.

Signal No. 2 naman sa hilagang bahagi ng Quezon Province, Marinduque, natitirang parte ng Oriental at Occidental Mindoro, Albay, Sorsogon, Masbate, Cuyo Island, northern portion ng Palawan at Cebu, ilang parte ng Iloilo at Antique, Guimaras at northern Negros Occidental.

Nasa Signal No. 1 naman sa Bataan, Rizal, Cavite, Metro Manila, natitirang bahagi ng Quezon, Laguna, Camarines Sur, Camarines Norte, Catanduanes, Negros Oriental, Leyte, Biliran, Bohol, Northern at Eastern Samar, ibang lugar sa Cebu at Negros Occindental, northern mainland Palawan at Cagayancillo Islands.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?