21

Nov 12, 2020 @ 15:37
By

Bantay Ulysses: 3.8M Meralco customer nawalan ng kuryente

Umabot sa 3.8 milyon o mahigit sa kalahati ng mga customer ng Manila Electric Company ang nawalan ng kuryente ngayong araw dahil sa Bagyong Ulysses.

Ayon kay Meralco spokesperson Joe Zaldarriaga, naibalik na ang kuryente sa ilan at bumaba na sa 2.5 milyon ang wala pa ring kuryente.

Pinakamarami aniya ang nawalan ng kuryente sa Metro Manila kung saan mahigit sa 1 milyong customers nito ang apektado, sumunod ang Bulacan kung saan 682,268 sa customers nito ang wala pa ring kuryente hanggang kaninang tanghali.

Sabi ni Zaldariagga, ang mga lugar na apektado bukod sa Metro Manila at Bulacan ay Cavite, Rizal, Laguna, Quezon, Batangas at Pampanga.

“Widespread po yung naging impact nitong Ulysses sa aming franchise area,” dagdag niya.

Hindi pa aniya maibalik ang kuryente sa mga bahang lugar dahil delikado ito para sa kanilang mga tauhan pati na rin sa mga taong naninirahan doon.

Sa Bulacan, maraming mga poste ng Meralco ang natumba samantalang may mga poste namang iniulat na sumabog o kumislap.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?