94

Oct 30, 2017 @ 16:19

Bantay bangko, pawnshops paiigtingin vs Acetylene Gang

Nagpalabas na ng direktiba si Philippine National Police (PNP) Chief Ronald Dela Rosa sa lahat ng regional directors ng mas maigting na pagbabantay sa mga bangko, money remittance centers at pawnshops upang hindi maging biktima ng tunnel rats gang o Acetylene Gang ngayong Undas.

Ayon kay Dela Rosa, maliban sa pagtutok sa mga financial establishment inatasan na rin niya ang mga regional director na makipag-ugnayan sa mga security personnel ng mga establisyimento na ito.

Payo pa ng hepe sa mga may-ari na habang sarado ang kanilang gusali ngayong Undas, doblehin ang kanilang ipinatutupad na seguridad at makipag-ugnayan din sa pulisya.

Bukod sa mga bangko, money remittance centers at pawnshops, babantayan din ng pulisya ang mga treasurer’s office ng municipal, city governments at local government units laban sa Acetylene Gang.

Samantala, hanggang ngayon ay walang namomonitor ang PNP na banta mula sa anumang grupo ngunit tiniyak ni Dela Rosa na hindi sila nagpapabaya sa pagbibigay-seguridad para matiyak na magiging mapayapa ang paggunita ng Undas. (Red Fortaleza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?