74

Oct 15, 2017 @ 11:22

Bantang “revolutionary government” ni Duterte, tablado sa Kamara

Wala umanong basehan sa Saligang Batas ang balak ni Pangulong Rodrigo Duterte na magdeklara ng revolutionary government.

Ani Albay Rep. Edcel Lagman, ang revolutionary government ay resulta ng matagumpay na pag-aalsa ng taumbayan para patalsikin ang nakaupong presidente at mga tagasunod nito, gaya ng EDSA People Power revolution.

Hindi aniya ito gawa ng nakaupong pangulo para manatili o tumagal sa kapangyarihan, o para durugin ang pinaniniwalaang mga kaaway ng estado.

“It is not a product of a self-serving declaration of a sitting President ostensively to retain and prolong the exercise of powers and crush perceived enemies of the state,” ayon kay Lagman.

Sinabi pa ng kongresista, na wala namang tangkang destabilisasyon o seryosong banta mula sa makakaliwa o sa hanay ng oposisyon para ideklara ito.

Aniya, imahinasyon lamang ni Duterte ang mga pinangangambahan nito.

Giit pa ni Lagman, ang nangyayari sa ngayon ay mga protesta lamang bilang pagtutol sa aniya’y pagsira ng Pangulo sa constitutional bodies.

“What is current is critical dissent to protest and prevent the President’s destruction of democratic institutions like derogating the independence of the Ombudsman and the Supreme Court Chief Justice, among others,” paliwanag ng kongresista.

Naniniwala si Lagman, na ang naising magtatag ng revolutionary government ay para lamang pigilang manghimasok ang Kongreso na siyang may mandato sa usapin ng deklarasyon ng martial law.

“The attempt to constitute a revolutionary government is to avoid congressional intervention and rejection which is constitutionally mandated when martial law is declared by the President.” (Pearl Serrano)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?