24

By

Bantang mga pag-atake ng NDF, ‘di na bago sa Palasyo

Sharing is caring!

Hindi na bago sa Malacañang ang banta ng National Democratic Front (NDF) na mas marami pang pag-atake ang kanilang gagawin laban sa puwersa ng pamahalaan matapos makansela ang peace talks.

Sinabi kahapon ni Presidential Spokesman Harry Roque, luma na kung tutuusin ang banta ng NDF dahil kahit naman may peace talks ay tuloy-tuloy naman ang opensiba ng New People’s Army (NPA) sa mga tropa ng pamahalaan.

Ang nakakalungkot nga aniya ay pati mga inosenteng sibilyan ay hindi pinapatawad ng mga NPA at nadadamay sa kanilang mga pag-atake.

“Wala na pong bago diyan, alangan namang sambahin natin itong armadong NPA at sabihing mahal na namin eh samantalang sila ay in the process na nag-aalsa at gumagamit ng dahas para mapatalsik itong gobyerno,” ani Roque.

Kasabay nito, nilinaw ng kalihim na hindi lahat ng tao ay babarilin sa naging direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na barilin ang mga NPA.

Sinabi ni Roque, yaong mga kasapi lamang sa nagaganap na rebelyon ang tatargetin ng mga sundalo at pulis.

“Hindi po lahat ng tao eh babarilin. Siyempre iyong mga kasapi lamang sa nagaganap na rebelyon sa ating bayan, sang-ayon po sa batas, international humanitarian law, eh talaga namang sila ay valid military target,” sabi pa ni Roque. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?